benigno s. aquino iii, second state of the nation address, july 25, 2011 ===================================================================

Benigno S. Aquino III, Second State of the Nation Address, July 25,
2011
===================================================================
FULL TRANSCRIPT:
State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives,
Batasan Pambansa Complex, Quezon City on July 25, 2011]
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise
Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at
Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang ating mga
kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na
kasapi ng diplomatic corps; mga miyembro ng Kamara de Representante at
ng Senado; mga Local Government officials; mga miyembro ng ating
Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa
ko nagseserbisyo sa taumbayan;
At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:
Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang
wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, patuloy nating
itinitigil ito. Naging hudyat at sagisag po ito ng pagbabago, hindi
lamang sa kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa lipunan.
Sa matagal na panahon, naging simbolo ng pang-aabuso ang wang-wang.
Dati, kung makapag-counterflow ang mga opisyal ng pamahalaan, para
bang oras lang nila ang mahalaga. Imbes na maglingkod-bayan, para bang
sila ang naging hari ng bayan. Kung makaasta ang kanilang mga
padrino’t alipores, akala mo’y kung sinong maharlika kung humawi ng
kalsada; walang pakialam sa mga napipilitang tumabi at napag-iiwanan.
Ang mga dapat naglilingkod ang siya pang nang-aapi. Ang panlalamang
matapos mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang.
Wala silang karapatang gawin ito. Ayon sa batas, tanging ang
Presidente, Bise Presidente, Senate President, House Speaker, Chief
Justice, pulis, bumbero, at ambulansya lang ang awtorisadong gumamit
ng wangwang para sa kanilang mga opisyal na lakad. Kung sa trapiko nga
ay ‘di masunod ang batas, paano pa kaya sa mga bagay na mas malaki ang
makukuha, tulad ng sa mga proyektong pinopondohan ng kaban ng bayan?
Kayo po ba gusto ninyong makulong ang lahat ng tiwali? Ako rin po.
Gusto ba ninyong matanggal ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada,
kundi sa kaisipang nagdulot ng baluktot na sistema na pagkatagal-tagal
na nating pinagtiisan? Ako rin. Gusto po ba ninyong mabigyan ng patas
na pagkakataon ang lahat na umasenso? Siyempre ako rin po.
Narito po ang halimbawa ng resulta ng ating kampanya kontra wang-wang
sa sistema. Nitong taong ito, taumbayan na mismo ang nagsabing
nabawasan ang nagugutom sa kanila. Mula sa 20.5 percent na self-rated
hunger noong Marso, bumaba na ito sa 15.1 percent nitong Hunyo,
katumbas ng isang milyong pamilyang Pilipinong nagugutom dati, pero
ngayon ay nakakakain na nang tama kada araw.
Sa larangan po ng negosyo, sino ba ang nag-akalang pitong ulit nating
malalampasan ang all-time-high ng stock market? Ang dating 4,000 index
na inaakalang hindi maaabot, o kung maabot man ay pansamantala lang,
ngayon, pangkaraniwan nang hinihigitan.
Kung dati napako na ang bansa sa mababang credit ratings, itinaas ng
Moody’s, Standard and Poors, Fitch, at Japan Credit Ratings Agency ang
ating ranking, bilang pagkilala sa ating tamang paggugol ng pondo at
sa malikhain nating pananalapi. Ang mataas na credit rating,
magpapababa ng interes sa perang inuutang natin. Kumpara sa unang apat
na buwan ng nakaraang taon, mas malaki po ng 23 billion pesos ang
natipid nating interest payments mula Enero hanggang Abril ng 2011.
Maaari na po nitong sagutin ang dalawang milyon at tatlongdaan libong
benepisyaryo ng CCT hanggang sa katapusan ng 2011.
Paalala ko lang po, sa siyam at kalahating taon bago tayo maitalaga sa
puwesto, iisang beses lang tayong nakatikim ng ratings upgrade, at
anim na beses pang na-downgrade ng iba’t ibang ratings agency. Sa
isang taon pa lang po natin, apat na beses na tayong nabigyan ng
upgrade. Alam naman po natin na hindi madaling ma-upgrade sa panahon
ngayon. Itong mga ratings agency, nabatikos na mali raw ang payo bago
magkakrisis sa Amerika, kaya ngayon ay mas makunat na sila sa
pagbibigay ng magagandang ratings, at nakikita nga natin ito sa
sunud-sunod na pag-downgrade sa ibang mga bansa. Pero tayo po,
in-upgrade pa nila. Sang-ayon silang lahat: gumanda at lalo pang
gaganda ang ekonomiya ng Pilipinas. Isang hakbang na lang po, aabot na
raw tayo sa investment grade, at wala pong tigil ang ating economic
team upang tuluyan na tayong makaarangkada.
At may mabubuting balita pa pong parating. Dahil wala nang wang-wang
sa DOE, muling nabuhay ang kumpiyansa ng mga namumuhunan sa ating
energy sector. Patunay dito ang isandaan at apatnapung kumpanya na
nakahandang tumaya sa eksplorasyon at pagpapalakas ng ating oil at
natural gas resources. Sa huling energy contracting round noong 2006,
tatlumpu’t lima lang po ang nakilahok. Nitong Biyernes lamang po,
nilagdaan na ang panibagong kasunduan para sa isang bagong power plant
sa Luzon grid upang pagdating ng 2014, may mas mura at mas maaasahang
pagmumulan ng enerhiya ang bansa.
May kumpiyansa, may pag-asa, at tinutupad po natin ang ating mga
pangako. Naaalala ko nga po ang babaeng nakausap ko nang ako’y unang
nagha-house-to house campaign para sa akin pong sarili. Ang kaniyang
hinaing: “Miski sino naman ang manalo, pare-pareho lang ang
kahihinatnan. Mahirap ako noong sila ay nangangampanya; mahirap ako
habang nakaupo sila, at malamang mahirap pa rin ako pag nagretiro na
sila.” Sa madaling salita, ang hinaing po ng marami, “Walang pakialam
ang mga pinuno namin kahapon, wala silang pakialam ngayon. Bukas, wala
pa rin silang pakialam.”
Di po ba’t may katuwiran naman siya sa pagsasabi nito, dahil sa
pagwawang-wang sa mga ahensya ng gobyerno? Wang-wang po ang pagbili ng
helicopter sa presyong brand new, pero iyon pala ay gamit na gamit na.
Wang-wang din ang milyun-milyong pabuya na tinanggap ng mga opisyal ng
GOCC, tulad ng sa Philippine National Construction Corporation, gayong
hindi naman sila nakapaghandog ng disenteng serbisyo, at ibinaon pa sa
utang ang kanilang mga ahensya. Bago sila bumaba sa puwesto,
dalawandaan, tatlumpu’t dalawang milyong piso po ang inomento ng
dating pamunuan ng PNCC sa kanilang sarili. 2007 pa lang po, wala na
silang prangkisa; lahat ng kikitain, dapat diretso na sa pambansang
gobyerno. Hindi na nga nag-abot ng kita, sinamantala pa ang puwesto.
Ang bonus nila mula 2005 hanggang 2009, dinoble pa nila sa unang anim
na buwan ng 2010. Ibinaon na nga po nila sa bilyun-bilyong pisong
utang ang kanilang tanggapan, nasikmura pa nilang magbigay ng midnight
bonus sa sarili.
Para po pigilan ang pagwang-wang sa kaban ng bayan, sinuyod at sinuri
natin ang mga programa. Dalawang magkasunod na taon na po nating
ipinatutupad ang zero-based budgeting, na magsisilbing kalasag sa
walang-saysay na paggastos.
Sa Laguna Lake po, magtatanggal nga—sabi nila—ng 12 million cubic
meters sa dredging, pero pagkatapos ng tatlong taon, garantisado naman
itong babalik. 18.7 billion pesos ang magiging utang natin para lang
maglaro ng putik. Hindi pa bayad ang utang, nag-expire na ang
pakinabang. Pinigilan po natin iyan. Ang food-for-school program na
bara-bara lang ang paghahanap ng benepisyaryo, at iba pang
inisyatibang pinondohan ngunit walang pinatunguhan—binura na natin sa
budget upang ang pera namang nalibre, ay mailaan sa mga proyektong
totoong may silbi.
Ang budget po ang pinakamalinaw na pagsasabuhay ng ating tuwid na
landas. Ang aking pahiwatig sa lahat ng gusto pang ilihis tayo rito:
Kung mang-aagrabyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka. Kung
sarili mo lang ang papayamanin mo, huwag ka nang magtangka. Kung hindi
iyan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.
Sana masabi na natin na tapos na ang utak wang-wang, pero nakikita po
natin ang latak ng ganitong kaisipan na pilit bumubulahaw sa aliwalas
ng ating biyahe sa tuwid na landas.
Mukhang marami rin po kasi ang nagwawang-wang sa pribadong sektor.
Ayon sa BIR, mayroon tayong halos 1.7 million na self-employed at
professional tax payers gaya ng mga abogado, doktor, at negosyante na
nagbayad lamang, sa suma total, ng 9.8 billion pesos noong 2010. 5,783
pesos lang ang ibinayad na income tax ng bawat isa raw sa kanila, on
average—ang ibig sabihin, kung totoo po ito, ang kabuuang kita nila ay
umaabot lang ng 8,500 pesos kada buwan. Mababa pa sa minimum wage.
Naman.
Nakikita naman po ninyong napupunta na sa tama ang buwis ninyo, kaya
wala na pong dahilan upang iwasan natin ang pagbabayad. Nananawagan po
ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi kapwa natin Pilipino ang
pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Pinananagot at pananagutin po natin ang wang-wang saanmang sulok ng
gobyerno. Ang masakit, hanggang sa mga araw pong ito, may sumusubok pa
ring makalusot. Mayroon nga pong isang distrito sa Region 4B, may
proyektong gagastusan ng 300 million pesos. Kaso hanggang 50 million
pesos lang ang puwedeng aprubahan ng district engineer.
Kaya naisip nilang i-chop-chop ang proyekto para di lumampas sa 50
million pesos ang halaga, at di na umabot sa regional at central
office ang kanilang mga papeles. Kani-kaniyang diskarte, kani-kaniyang
kaharian ang nadatnan nating situwasyon sa DPWH. Sinubukan nilang
ipagpatuloy ang nakasanayan na nila. Kadalasan, dahil sa lump-sum na
pagbibigay ng pondo, wala nang tanung-tanong kung ano ang plano at
detalye ng proyekto. Miski yata—sabi ng iba—bahay ng gagamba ang
ipapatayo, bibigyan ng pondo, basta may padrino.
Hindi ito pinalusot ni Secretary Babes Singson. Tinanggal na niya sa
puwesto ang district engineer. Pinigilan din po ang pag-award ng
proyektong ito para busisiin kung ano pang magic ang nangyari. Masusi
na ring iniimbestigahan lahat ng nagkuntsabahan. Ang mga kontratistang
mapatunayang nakipagsabwatan para mag-tongpats sa mga proyekto,
iba-black-list natin.
Tingnan nga po ninyo ang idinulot na perhuwisyo ng pagwawang-wang sa
sistema: Tuloy ang pagdusa ng mamamayang dapat nakikinabang na sa
proyekto ng bayan.
Hindi lang po iyan sa Region 4B nadiskubre. Ngunit natigil na po ito
dahil hindi na padrino kundi tamang proseso ang naghahari sa DPWH.
Hindi na puwedeng walang work program; kailangang magpakita ng
pinag-isipang plano para hindi magkasalungat ang pagsasagawa ng mga
proyekto. Malinis at hayag na ang bidding, at pantay na ang
pagkakataon sa pagpasok ng mga kontratista.
Sa sistemang pinaiiral ngayon sa DPWH, nakatipid na tayo ng dalawa’t
kalahating bilyong piso, at umaasa tayo na aabot pa sa anim hanggang
pitong bilyong piso ang matitipid sa taon na ito. Ang pinakamahalaga
po, nakakaasa na tayo sa mga kalsadang matino, hindi ‘yung maambunan
lang ay lulundo o mabibiyak agad. Paniwala natin dati, imposibleng
maitama ng DPWH ang sistema nila. Hindi lang po ito posible; sa unang
taon pa lamang, ginagawa na natin ito.
Kahit po sa mga bukirin, may mga nagwawang-wang din. Bago tayo maupo
noong 2010, nag-angkat ang bansa ng 2.3 million metric tons ng bigas.
1.3 million metric tons lamang ang kailangan nating angkatin, ngunit
pinasobrahan pa nila ito ng isang milyong tonelada. Dahil nga
sobra-sobra ang inangkat, kinailangan pa nating gumastos muli sa mga
bodegang pagtatambakan lang naman ng barko-barkong bigas.
Ilang taon bang walang saysay na pinasobrahan ang bigas na inaangkat?
Dahil dito, umiral ang pag-iisip na habambuhay na tayong aangkat ng
bigas. Ang akala ng marami, wala na talaga tayong magagawa.
Ngunit, sa loob lamang ng isang taon, pinatunayan nating mali sila.
Ngayon, ang dating 1.3 million metric tons na kakulangan natin sa
bigas, halos nangalahati na; 660,000 metric tons na lang po ang
kailangan nating angkatin. Kahit dagdagan pa natin iyan ng panangga
laban sa sakuna at gawing 860,000 metric tons—na ginagawa na nga po
natin—mas mababa pa rin ito sa tinatayang taunang kakulangan na 1.3
million metric tons.
At hindi po buwenas lang ang nangyaring pag-angat ng ating rice
productivity. Bunga po ito ng matinong pamamalakad: ng paggamit ng
maiinam na klase ng binhi, at masusi at epektibong paggastos para sa
irigasyon. Nito nga pong nakaraang taon, labing-isang libo, anim na
raan at labing-isang bagong ektarya ng bukirin ang napatubigan natin.
Dagdag pa iyan sa halos dalawandaan at labindalawang libong ektarya na
nakumpuni o nabigyang muli ng irigasyon matapos ang panahon ng
pagkakatiwangwang. Ang resulta: umangat ng 15.6 percent ang inani
nating palay noong nakaraang taon.
Ang gusto nating mangyari: Una, hindi tayo aangkat ng hindi kailangan,
para lang punan ang bulsa ng mga gustong magsariling-diskarte ng kita
sa agrikultura. Ikalawa: ayaw na nating umasa sa pag-angkat; ang
isasaing ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito aanihin, dito
bibilhin.
Balikan din po natin ang dinatnang kalagayan ng ating mga kawal at
kapulisan. Labingtatlong libong piso po ang karaniwang suweldo ng
isang PO1 sa Metro Manila. Apat na libong piso daw rito ang napupunta
sa upa ng bahay. Tila tama nga po na isang-katlo ng kanilang sahod
diretso na sa upa. Isang-katlo pa nito, para naman sa pagkain. At ang
natitirang isang-katlo, para sa kuryente, tubig, pamasahe, pampaaral
sa anak, gamot sakaling may magkasakit, at iba pa. Maganda na nga po
kung tumabla ang kita niya sa gastusin. Kapag naman kinapos, malamang
sa five-six po sila lalapit. At kapag nagpatung-patong ang interes ng
utang nila, makatanggi kaya sila sa tuksong dumelihensya?
Kaya ang ipinangako nating solusyon pabahay nitong Pebrero, ngayong
Hulyo ay tinutupad na. Nakapag-abot na po tayo ng apat na libong
Certificate of Entitlement to Lot Allocation sa magigiting nating
kawal at pulis. Bahagi pa lang po ito ng target nating kabuuang
dalawampu’t isang libo at walong daang bahay sa pagtatapos ng taong
ito. Ang dating apat na libong ibinabayad para sa upa kada buwan,
ngayon, dalawandaang piso na lang, para pa sa bahay na pagmamay-ari
talaga nila. Ang dating nalalagas na halaga na pambayad sa buwanang
renta, maaari nang igugol para sa ibang gastusin.
Mayroon pa raw pong mahigit isang libong bahay na natitira, kaya po sa
mga pulis at sundalo nating di pa nakakapagpasa ng kanilang mga
papeles, last call na po para sa batch na ito. Pero huwag po kayong
mag-alala, sa susunod na taon, lalawak pa ang ating pabahay, at hindi
lang pulis at kawal sa Luzon ang makikinabang. Inihahanda na ng NHA
ang lupang patatayuan sa Visayas at Mindanao, para sa susunod na taon,
makapagpatayo na tayo ng mga bahay doon. Sa ating mga kawani ng Bureau
of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection, may good
news pa rin po ako sa inyo: kasama na po kayo rito.
Kung seguridad na rin lang po ang ating pag-uusapan, di ba’t karugtong
din nito ang ating pambansang dangal? Dati, hindi man lang natin
makuhang pumalag tuwing may sisindak sa atin sa loob mismo ng ating
bakuran. Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa buong mundo: Ang sa
Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na
ring tumapak sa Recto Avenue.
Tama nga po kaya ang kuwento tungkol sa isang stand-off noong araw?
Tinapatan daw ang mga marino natin ng kanyon. Ang ginawa nila noong
gabi, pumutol ng puno ng niyog, pininturahan ito ng itim, saka
itinutok sa kalaban. Tapos na po ang panahong iyan. Parating na ang
mga capability upgrade at modernization ng mga kagamitan ng ating
Sandatahang Lakas. Literal na pong naglalakbay sa karagatan papunta
rito ang kauna-unahan nating Hamilton Class Cutter, isang mas
modernong barko na magagamit natin para mabantayan ang ating mga
baybayin. Maaari pa po tayong makakuha ng mga barkong tulad nito.
Idadagdag iyan sa kukunin na nating mga helicopter (plural po iyon),
patrol craft, at sandata na bultong bibilhin ng AFP, PNP, kasama na
ang DOJ upang makakuha ng malaking diskuwento. Lahat po ito,
makakamtan sa matinong pamamahala; mabibili sa tamang presyo, nang
walang kailangang ipadulas kung kani-kanino.
Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na
handa tayong ipagtanggol ang atin. Pinag-aaralan na rin po natin ang
pag-angat ng kaso sa West Philippine Sea sa International Tribunal for
the Law of the Sea, upang masigurong sa mga susunod na pagkakataon ay
hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may alitan sa teritoryo.
Alam ko pong magbubunga ang pag-aarugang ipinapamalas natin sa mga
lingkod-bayan na nakatutok sa ating seguridad. Mantakin po ninyo: sa
unang anim na buwan ng 2010, umabot sa isanlibo at sampung kotse at
motorsiklo ang nanakaw. Ikumpara po natin iyan sa apatnaraan at
animnapung kotse at motorsiklong nanakaw mula Enero hanggang Hunyo ng
taong ito. Ang laki po ng naibawas di po ba? Malas ko lang po siguro
na ‘yung isa o dalawang kaso ng carnapping ang nai-heheadline, at
hindi ang pagbawas sa mga insidente nito o ang mas mataas na porsyento
ng mga nanakaw na kotse na naibalik na sa kanilang mga may-ari.
Isa pa pong halimbawa ng pagbabagong tinatamasa natin: Mayo ng taong
2003 nang lagdaan ang Anti-Trafficking in Persons Act, pero dahil
hindi sineryoso ng estado ang pagpapatupad nito, dalawampu’t siyam na
indibiduwal lamang ang nahatulan sa loob ng pitong taon. Nalagpasan na
po natin iyan, dahil umabot na sa tatlumpu’t isang human traffickers
ang nahatulan sa ating administrasyon. Ito nga po siguro ang
sinasabing “sea change” ni Secretary of State Hillary Clinton ng
Amerika. Dahil dito, natanggal na tayo sa Tier 2 Watchlist ng
Trafficking in Persons Report nila. Kung hindi tayo natanggal sa
watchlist na ito, siguradong napurnada pa ang mga grant na maaari
nating makuha mula sa Millenium Challenge Corporation at iba pa.
Dumako po tayo sa trabaho. Dagdag-trabaho ang unang panata natin sa
Pilipino. Ang 8 percent na unemployment rate noong Abril ng nakaraang
taon, naibaba na sa 7.2 percent nitong Abril ng 2011. Tandaan po
natin: moving target ang nasa hanay ng ating unemployed, dahil
taun-taon ay may mga bagong graduate na naghahanap ng trabaho. Nito
nga pong huling taon, nadagdag pa sa bilang nila ang libu-libong hawi
boys, tagasabit ng banderitas, at iba pang mga Pilipinong kumuha ng
pansamantalang kabuhayan mula sa eleksyon. Ang resulta po natin: Isang
milyon at apatnaraang libong trabahong nalikha nitong nakaraang taon,
nagtatapos po ng Abril.
Dati, nakapako sa pangingibang-bansa ang ambisyon ng mga Pilipino.
Ngayon, may pagpipilian na siyang trabaho, at hangga’t tinatapatan
niya ng sipag at determinasyon ang kanyang pangangarap, tiyak na
maaabot niya ito.
Malaki pa po ang puwedeng madagdag sa trabahong nalilikha sa ating
bansa. Ayon pa lang po sa website nating Philjobnet, may limampung
libong trabahong hindi napupunan, napupunuan, kada buwan dahil hindi
tugma ang kailangan ng mga kumpanya sa kakayahan at kaalaman ng mga
naghahanap ng trabaho. Hindi po natin hahayaang masayang ang
pagkakataong ito; ngayon pa lang, nagtatagpo na ang kaisipan ng DOLE,
CHED, TESDA, at DEPED upang tugunan ang isyu ng job mismatch. Susuriin
ang mga curriculum para maituon sa mga industriyang naghahanap ng
empleyado, at gagabayan ang mga estudyante sa pagpili ng mga kursong
hitik sa bakanteng trabaho.
Ngunit aanhin naman po natin ang mga numerong naghuhudyat ng
pag-asenso ng iilan, kung marami pa rin ang napag-iiwanan? Ang unang
hakbang: tinukoy natin ang totoong nangangailangan; namuhunan tayo sa
pinakamahalaga nating yaman: ang taumbayan. Sa dalawang milyong
pamilyang rehistrado sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program,
isang milyon at animnaraang libo na ang nakakatanggap ng benepisyo
nito. Sa pagpapakitang-gilas ni Secretary Dinky Soliman, tinatayang
may mahigit isandaang libong pamilya—uulitin ko po: mahigit isandaang
libong pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada buwan. Kaya
naman mataas ang aking kumpiyansang makukumpleto ang 1.3 million na
dagdag na pamilya, mula sa kabuuang 2.3 milyong target na benepisyaryo
ng CCT bago matapos ang taong ito. At sa compliance rate nito na hindi
bababa sa 92 percent, milyun-milyon na rin po ang inang regular na
nagpapacheck-up sa mga health center, ang mga sanggol na
napabakunahan, at ang mga batang hindi hinahayaan sa labas ng
paaralan.
Simula pa lang po ito, at sa ganitong kalinaw na mga resulta, umaasa
ako sa suporta ng bawat Pilipino, lalo na po ng lehislatura, sa
mungkahi nating salinan pa ng pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino
Program. Inaasam po natin na bago matapos ang 2012, tatlong milyong
pamilya na ang mabibigyan ng puhunan para sa kanilang kinabukasan.
Binibigyan natin ang mga maralitang pamilyang ito ng pagkakataong
makaahon sa buhay, dahil ang pag-asenso nila ay pag-angat rin ng buong
bansa. Sino ang tatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng mga
negosyante, kung isang kahig, isang tuka naman ang mamimili? Kapag may
amang kumakapit sa patalim para may kainin ang kanyang pamilya, at
siya ay magnakaw o nangholdap, sino ba ang puwedeng mabiktima ng
krimen kundi tayo rin? Kung ang mga kababayan natin ay walang maayos
na pagkain o tahanan, mahina ang kalusugan at may malubhang
karamdaman, hindi ba’t tayo rin ang nasa peligrong mahawa sa kanilang
sakit?
Naglalatag po tayo ng pagbabago upang mapatibay ang pundasyon ng
maaliwalas na bukas para sa lahat. Halimbawa po, sa kalusugan: di ba’t
kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga benepisyaryo ng
PhilHealth tuwing maghahalalan? Ngayon, sa pamamagitan ng National
Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), tiniyak
natin na ang limang milyon at dalawandaang libong pamilyang Pilipino
na nakikinabang sa PhilHealth ay ang talagang mga nangangailangan
nito. Malawakang pag-unlad at pag-asenso ng lahat: Iyan po ang panata
natin. Walang maiiwan sa tuwid na landas.
Tumungo naman po tayo sa ARMM. Ang dating sistema: Nagbabatuhan lang
ng huwad na utang ng loob ang mga baluktot na kandidato. Kapag
pambansang halalan, malaya ang nakaupo sa ARMM na imane-obra ang
makinarya sa kaniyang rehiyon para matiyak na bokya, o sero, ang boto
ng hindi kaalyado. Kapag naman eleksyon sa ARMM at maniningil na ng
utang si Mayor o Governor, ang administrasyon naman ang magpapatakbo
ng makinarya para manalo ang kanilang kandidato.
Ayon nga po sa naungkat ng COA, sa opisina ng regional governor ng
ARMM, mula Enero 2008 hanggang Setyembre 2009, walumpung—uulitin ko
po: walumpung porsyento ng mga disbursement ang napunta sa mga cash
advance na wala namang maayos na paliwanag. Kung hindi nawala ang
pondong ito, nakatapos na sana ang isang batang sa ngayon tumawid sa
ghost bridge, para pumasok sa ghost school, kung saan tuturuan siya ng
ghost teacher. Kaawa-awang bata: walang humpay na paghihirap, at
walang pag-asa ng pag-asenso.
Gusto nating maranasan ng ARMM ang benepisyo ng tamang pamamahala.
Kaya ang atin pong minungkahing solusyon: synchronization. Dahil dito,
kailangan nilang tumutok sa kani-kanilang mga kampanya; magiging mas
patas ang labanan, at lalabnaw ang command votes. Salamat po sa
Kongreso at naipasa na ang batas na magsasabay sa halalan ng ARMM sa
halalang pambansa.
May nagtatanong po, bakit postponement ang kailangan? Sa kagustuhang,
siyempre, makabalik sa puwesto, nakahanda ang ilan na ulitin ang
nakagawian para manalo. Isipin na lang po ninyo kung pumayag tayo sa
kagustuhan ng mga kontra, at itinuloy natin ang eleksyon. Wala po
silang ibang gagawin sa loob ng dalawang taon kundi paghandaan ang
susunod na halalan at isiksik ang kalokohan nila sa mas maigsing
panahon. Habang nananatili sa puwesto ang mga utak wang-wang na
opisyal, naiiwan namang nakalubog sa kumunoy ng kawalang-pagasa ang
taumbayan.
Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga repormang inilatag na natin.
Hindi po tayo nagbubukambibig lang; may kongkretong resulta ang ating
mga paninindigan. Kapag sinabi nating tuwid na daan, may katapat itong
kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta. Maria, Laguna. ‘Pag sinabi
nating malinis na pamamahala, may dadaloy na malinis na tubig sa mga
liblib na lugar gaya ng nasa Barangay Poblacion, sa Ferrol, Romblon.
Kapag sinabi nating liwanag ng pagbabago, titiyakin nating may liwanag
na tatanglaw sa mga pamayanang dati ay nangangapa sa aandap-andap na
gasera, gaya ng ginawa natin sa Barangay San Marcos, sa Bunawan,
Agusan del Sur. Ganito na ang nangyayari sa marami pang ibang lugar;
pinipilit nating ito rin ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.
Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno; nag-uugnayan at
nagtutulungan sila upang maabot at mapabilis ang mga solusyon sa mga
problemang kaytagal nang pinapasan ng bayan.
Di po ba’t may problema tayo sa baha, na alam naman nating dulot ng
walang humpay at ilegal na pagputol ng mga puno? Ang dating solusyon:
photo-op ng pagtatanim na ang tanging benepisyaryo ay nagpapoging
pulitiko. Nagtanim nga ng puno kontra-baha, pero hindi naman siniguro
na mananatiling nakatayo ang mga ito pag-alis nila.
Isa sa mga solusyong hinahanda na po at pinag-aaralan ay ang gawing
kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang pagbabantay ng puno. Bibigyan
sila ng binhi ng kape at cacao para itanim at mamunga ng kabuhayan.
Habang hinihintay ang ani, makakakuha sila ng stipend upang bantayan
naman ang mga punong itinanim laban sa baha. Puwedeng maging
benepisyaryo ng programang ito ang mga informal settlers, na ngayon ay
nagkukumpulan sa siyudad. Mamumuhunan tayo sa taumbayan, habang
namumuhunan din sa kalikasan.
Noon bang isang taon, inisip kaya natin na kaya nating gawin ito? Sa
ngayon, tinutupad na natin ang ating mga pangako. Bukas makalawa,
katotohanan na ang lahat ng ating mga pinangarap.
Marami pa pong malikhaing konsepto na inilalapit sa atin, at ang atin
pong ipinatupad na. May mosquito trap na pinapatay ang mga kiti-kiti
ng lamok, na siguro naman po ay may kinalaman sa halos labing-apat na
porsiyentong pagbaba ng insidente ng dengue; may hibla ng niyog na
itatapon na sana, pero puwede palang murang solusyon sa mga daanang
madaling mabitak; may landslide sensor na magbababala kung tumaas na
ang panganib na gumuho ang lupa; may mga kagamitang magbibigay ng
senyales kung malapit nang umapaw ang tubig sa mga ilog. Lahat po
nito, gawa ng Pilipino.
Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang pagkakaroon natin ng
monorail system, para tugunan ang problema sa pangmalawakang
transportasyon. Sa malikhaing pag-iisip ng kapwa Pilipino, may pag-asa
pala tayong magtayo ng light rail system nang hindi hihigit sa 100
million pesos ang gagastusin kada kilometro. Sa matitipid na pondo,
mas mahabang kilometro ng riles ang mailalatag at makaka-abot sa mga
lugar na malayo sa sentro ng komersyo. Ang mga dating sumisiksik sa
siyudad para maghanap ng trabaho, maaari nang tumira sa madyo mas
malayo, nang hindi pahirapan ang biyahe.
Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay galing sa kapwa natin Pilipino,
para sa Pilipinas. Naaalala po ba ninyo ang panahon kung kailan ni
hindi man lang maabot ng mga pangarap natin ang ganitong mga proyekto?
Ngayon, sinasabi ko po sa inyo: pinapangarap natin ito, kaya natin
ito, gagawin natin ito. Hindi ba tayo nagagalak, Pilipino tayong
nabubuhay sa mga panahong ito?
Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana nating lilimutin: masasayang
lang ang lahat ng ating narating kung hindi tuluyang maiwawaksi ang
kultura ng korupsyon na dinatnan natin.
Sa mga kapwa ko empleyado ng sambayanan, mula sa tuktok hanggang sa
bawat sulok ng burukrasya: Di po ba’t napakarangal na ngayon ang
magtrabaho sa gobyerno? Di po ba’t ngayon, sa halip na ikahiya, gusto
mo pang isuot kung minsan ang iyong ID kung sumasakay ka ng bus o jeep
papasok sa iyong ahensya? Sasayangin po ba natin ang karangalang
kaloob sa atin ng sambayanan?
Iyan din po ang aking panawagan sa ating Local Government Units.
Kabilang po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang pinaka-nakakaalam sa
pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod at munisipyo.
Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na kalayaan at kakayahan, kung
makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na paraan, at
isasaalang-alang ang kapakanan ng buong sambayanan.
Halimbawa po, may ilang munisipyo na naisipang magbuwis sa mga
transmission lines ng kuryente na dadaan sa kanilang mga pook.
Magpapasok nga po ng kita sa kanilang lokal na kaban, pero kapalit
nito, tataas din ang gastusin ng mas nakararaming Pilipino sa
kuryente. Tiwala po akong kaya nating balansehin ang interes ng inyong
mga nasasakupan sa interes ng sambayanan.
Kailangan pong manatiling magkatugma ang ating mga programa, dahil ang
ikauunlad ng buong bansa ay manganganak din ng resulta sa inyong mga
pook. Wakasan na po sana natin ang agendang nakatuon sa susunod na
eleksyon lamang, at ang kaisipang isla-isla tayong maihihiwalay ang
sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.
Tayo-tayo rin po ang dapat magtulungan tungo sa kaunlaran. Malaki ang
pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas ukol sa GOCC
Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates
Extension, Joint Congressional Power Commission Extension, Children
and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night Workers, at marami
pa sigurong pasunod.
Noong isang taon nga po, nagpakitang-gilas ang Kongreso sa pagpasa ng
budget bago matapos ang taon. Dahil dito, nasimulan agad ang mga
proyekto at hindi na inabot ng tag-ulan. Bukas na bukas po, ihahain na
namin sa lehislatura ang budget para sa susunod na taon. Umaasa po ako
na muli kayong magpapakitang-gilas, upang tuluyan na nating mapitas
ang bunga ng mga naitanim nating pagbabago.
Maganda na po ang ating nasimulan. Pero mahalaga pong maalala natin:
simula pa lang ito. Marami pa tayong gagawin. Hayaan po ninyong ilatag
ko sa Kongreso ang ilan sa mga batas na magpapaigting sa pagtupad ng
ating mga panata sa bayan.
Layon nating bigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga biktima ng
Martial Law; ang pagkakaloob ng makatarungang pasahod at benepisyo
para sa mga kasambahay; at ang pagpapatupad ng isang mas maayos na
sistema ng pensyon para sa atin pong mga kawal. Sinusuportahan din
natin ang pagpapalawak ng sakop ng scholarship na ipinagkakaloob ng
DOST sa mahuhusay ngunit kapuspalad na mag-aaral; ang pagtataguyod ng
pinaigting na pangkalahatang kalusugan; at ang pangangalaga sa ating
kalikasan at sa mga pasilidad na titiyak sa kaligtasan ng mga
mamamayan sa oras ng sakuna.
Kabilang din po sa ating agenda ang pagpapalakas ng BuCor, ng NBI, ng
NEA, at pati na rin po ng PTV 4, upang sa halip na mapag-iwanan ng
kaalaman at panahon, mas maayos nilang magagampanan ang kanilang
pagbibigay-serbisyo sa publiko.
Hindi ko po nailagay ang lahat ng gustong magpasali ng kanilang
adbokasiya dito po sa SONA. Pero kumpleto po ang detalye sa budget at
budget message. Sa mga interesado po, pakibasa na lang detalye doon.
May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali.
Totoo po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama, at ang
pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang
dapat ako ang namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating
lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.
Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng
“Oks lang”; hindi puwedeng “wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin
ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung
hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang
nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na kung puwede, uulitin
ninyo ang ginawa ninyo.
Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin—pero
hindi na po magpapakahaba doon, bigyan ko na lang kayo ng isang
halimbawa. Sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng
dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po
kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa ng
kape. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na
dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po
natin sila, at matanong: nakakatulog pa po kayo?
Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice
Conchita Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi
magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan. Inaasahan ko
nga po na sa taon na ito, masasampahan na ng kaso ang maraming
nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng situwasyong ating
inabutan. Tapos na rin po ang panahon kung kailan nagsasampa ang
gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag tayo ang nagsampa, matibay ang
ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang
salarin.
Tutok po tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi
natatapos sa pagsasakdal kung hindi sa pagkukulong ng maysala. Buo ang
kumpiyansa ko na tinutupad ng Department of Justice ang malaki nilang
bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga kaso ukol sa tax
evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling, graft and
corruption, at extrajudicial killings.
Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng
mabuti ring resulta. Isipin po ninyo: naipatupad natin ang mga
ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at nakapaglaan pa ng sapat na pondo
para sa mga proyekto nang hindi kinailangang magtaas ng buwis.
Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin na patas ang laban; itigil
ang panlalamang ng mga makapangyarihan; at tiyakin na ang dating
sistema kung saan nakikinabang ang iilan ay magiging bukal ng
oportunidad para sa lahat.
Tinutuldukan na po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa
kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng kumpiyansa na magdadala
ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng taumbayan ay
mapupunta sa dapat nitong kalagyan: Imprastruktura na titiyak sa
tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho, at
serbisyong panlipunan na sisigurong walang mapag-iiwanan. Bubukas ang
marami pang pintuang pangkabuhayan sa pamamagitan ng turismo;
sisiguruhing hindi magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng
agrikultura. Ang mga dating kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang
kinabukasan.
Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak na may pupuno sa mga
nalilikhang trabaho, at may mga konsumer na lalong magpapalago sa mga
negosyo.
Batid ko po na hanggang ngayon ay may kakaunti pang nagrereklamo sa
ating estilo ng pamamahala. Nakita po ninyo ang aming estilo, at ang
kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo ang estilo nila, at kung saan
tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang mata, maliwanag kung saan ang
tama.
Ngayong tayo na ang nagtitimon sa gobyerno, malinaw ang direksyong
tinatahak ng ating bayan. Isang bansa kung saan ang pagkakataon ay
abot-kamay; kung saan ang mga nangangailangan ay sinasaklolohan; kung
saan may saysay ang bawat patak ng pawis, bawat sandali ng pagtitiis,
at bawat butil ng hinagpis na dinaanan natin. Kung may gawin kang
mabuti, may babalik sa iyong mabuti. At kung may gawin kang masama,
tiyak na mananagot ka.
Naaalala ko nga po ang isang ginang na lumapit sa akin noong kampanya;
ang babala niya, “Noy, mag-iingat ka, marami kang kinakabangga.”
Tama po ang sabi niya: Tao pong may agam-agam din ako kung minsan.
Pero wala po akong alinlangang tumahak sa tuwid na daan: Buo ang loob
ko dahil alam kong nasa likod ko po kayo. Salamat po.
Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakikipagdiyalogo sa
atin, katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. Di naman po kami ganoong
kalapit ni Cardinal Rosales, pero naniniwala akong ibinuhos niya ang
lahat para mabawasan ang hindi pinagkakaunawaan ng gobyerno at
simbahan. Sa pagkahalal kay Archbishop Palma, tagapagtanggol ng
karapatang pantao at kalikasan, lalo pong tumibay ang aking
kumpiyansang ugnayan, at hindi bangayan, ang mabubuo sa pagitan ng
estado at simbahan.
Salamat din po sa ating Gabinete, na walang kinikilalang panahon ng
tulog o pahinga, maipatupad lang ang pambansang agenda. Special
mention po ang PAGASA, na tunay na ngayong nagbibigay ng maaasahang
babala.
At sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad
sa pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: Pinili ninyo ang
landas kung saan naaapi ang sambayanan. Pinili naman namin ang landas
na ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po kami; nasa mali kayo. Sa
inyong magbabalik ng pang-aapi sa sambayan, hindi kayo magtatagumpay.
Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: kayo ang lumikha ng
pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas maganda ang ipapamana
natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino. Kayo pong mga tsuper na
pumapasada pa rin; kayong mga guro at estudyanteng pauwi pa lang mula
sa klase; kayong patuloy ang paglikha ng mga obrang nagpapaalab sa
apoy ng ating pagka-Pilipino; kayong mga pulis, sundalo, kaminero, at
bumbero; kayong mga marangal na magtrabaho, sa Pilipinas man, sa
gitnang dagat, o sa ibang bansa; kayong mga tapat na kasama natin sa
gobyerno, anumang probinsya o partido; kayong mga Pilipinong nakikinig
sa akin ngayon—kayo po ang lumikha ng pagkakataong ito.
Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na nagtatrabaho para sa inyo. May
limang taon pa tayo para siguruhing hindi na tayo babalik sa dating
kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong napakaganda na ng
resulta ng ating sinimulan.
Kapag may nakita tayong butas sa sistema, huwag na po tayo magtangkang
lumusot. Huwag na nating daanin sa pakiusap ang madadaan sa
pagsisikap. Tama na ang unahan, tama na ang tulakan, tama na ang
lamangan, dahil lahat naman po tayo ay makakarating sa minimithi
nating kinabukasan.
Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang
kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit po ang iba, ang hilig
maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan? At
napakahirap—parang kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po ba
natin noong huling beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?
Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng
pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na po
natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang
magaganda nating nagawa?
Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin
ito. Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang walang
kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo siya at sabihing, “Salamat po.”
Kung magkasakit ka at makita mo ang nars na nag-aruga sa iyo, sa halip
na magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas malaking suweldo, pakisabi
rin po, “Salamat po.”
Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo ang guro mong piniling
mamuhunan sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang sariling ginhawa;
sabihin mo, “Salamat po”: Tulad ng aking gurong nasa screen ngayon,
Salamat po Ginang Escasa.
Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan sa kalsadang dati ay
lubak-lubak (o wala), at ngayon ay puwede nang daanan nang maaliwalas,
lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”
Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss na nagtimon sa atin
tungo sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa pagbabagong
tinatamasa natin ngayon.
Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.
Source: Official Gazette http://www.gov.ph/

  • S IDRAN INSTITUTE 200 EAST JOPPA ROAD SUITE 207
  • FORM OF LEGAL OPINION [LETTERHEAD OF BORROWER’S COUNSEL] [DATE]
  • UNIDAD 13 ASERTIVIDAD AGRESIVIDAD Y SUMISIÓN CUANDO UNA PERSONA
  • OVERVIEW ИНСТРУКЦИЯ ТИТУЛЬНЫЙ СПИСОК МО ПОКАЗАТЕЛИ (ФАКТ)
  • ICNN4 4TH INTERNATIONAL CONFERENCE ON NANOMECHANICS AND NANOCOMPOSITES
  • THE UNIQUE ENTITY IDENTIFIER (DUNS) TO UNIQUE ENTITY IDENTIFIER
  • 2017 NORAM CUP CENTRE D’EXCELLENCE ACROBATIQUE DE VAL SAINTCÔME
  • CORSO DI LAUREA IN OSTETRICIA I ANNO – II
  • EVALUATION SOMMATIVE EXERCICE SVT 3ÈME LA VACCINATION ENONCÉ
  • MIS NÚMEROS TENGO AÑOS MI CUMPLEAÑOS ES EL DÍA
  • FEASIBILITY STUDY MEASURING CHILDHOOD HEIGHTS AND WEIGHTS IN WALESEUROPEAN
  • ANNEX C CONSULTATION QUESTIONNAIRE TO HELP US
  • AFRICAN ECONOMIC RESEARCH CONSORTIUM THE COLLABORATIVE MASTERS PROGRAMME IN
  • OFFICE USE APPLICATION FORM THIS FORM IS DESIGNED
  • 2 AGRES 2141 (XXXVO05) PROGRAMA INTERAMERICANO
  • VÁLLALKOZÁSVÁLLALKOZÓ A13 ÜZLETI TERV AGRÁRHITEL (AZ ÜZLETI TERVET
  • CAN WE SHOW THAT ONLY THE GREEN PARTS OF
  • A PPLICATION TEMPLATE – DRILLING PROGRAM APPROVAL (DPA) APPLICATION
  • SURVEYBOOK CHECKLIST SURVEY BOOK NO   ITEMS WITH
  • 2782015 ORGANIZATE Y SE MAS PRODUCTIVO REVISTA PYME (INDEXPHP)
  • BAB II URAIAN TEORITIS A PERSEPSI PENYUSUNAN ANGGARAN
  • ANALIZA OSTVARIVANJA PRAVA NA PUTNE TROŠKOVE U CILJU OSTVARIVANJA
  • NÚMERO DE EXPEDIENTE 2010CONOOR0049 CARÁTULA DEL PLIEGO DE CLÁUSULAS
  • WPROWADZANIE NORM EUROPEJSKICH DO POLSKICH NORM METODĄ TŁUMACZENIA LUB
  •   PROGRAMA DE ACTIVIDADES EN BODEGA VISITA GUIADA
  • I 0 ACPWGW01AI2 APPENDIX I APPENDIX I PROPOSED
  • MARIJAMPOLĖS SAVIVALDYBĖS TARYBA SPRENDIMAS DĖL MARIJAMPOLĖS SAVIVALDYBĖS VISUOMENĖS SVEIKATOS
  • KEY FINDINGS OF THE SURVEY ON CAPITAL CONTROLS
  • 23 LE NOUVEAU ROLE DES MINISTERES DU TRAVAIL FACE
  • 編 タガログ語 入学(転入学)される児童と保護者のみなさまへ(小学校) SA MGA ISTUDYANTE AT MGA MAGULANG